2 batang estudyante patay sa fun run sa iskul!
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) ang pagkasawi ng dalawang batang estudyante at dalawa pa ang nasugatan nang makuryente sa kasagsagan ng “Color and Bubble Fun Run” sa Cauayan City, Isabela kahapon ng umaga.
Sa report ni Isabela Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Manuel Bringas, dead-on-the-spot ang 8-anyos na Grade 3 pupil at 7-anyos na babaeng mag-aaral ng Cauayan South Central School sa insidente.
Isinugod naman sa Cauayan Medical Specialist Hospital at Cauayan District Hospital ang dalawa pang nasugatang estudyante ng Grade 9 at Grade 6.
Ang Grade 9 ay nagtamo ng pagkalapnos ng kamay at braso sa insidente na matapos na malapatan ng pangunahing lunas ay nakalabas na ng pagamutan habang ang isa pa ay patuloy na inoobserbahan ang kalagayan.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-6:20 ng umaga, habang kasagsagan ng aktibidad ng Cauayan South Central School at nababalutan ng foam at bubbles ang mga estudyante nang magkaroon umano ng electrical short circuit kung saan nagkaroon ng grounding.
Ayon sa pulisya, ang apat na mag-aaral ay naglaro malapit sa makina na nagpo-prodyus ng bubbles o pabula sa nasabing fun run nang aksidente silang makuryente.
Mabilis nag nagresponde ang mga pulis, iba pang rescuers at volunteers na sa lugar at sinaklolohan ang mga batang biktima.
Nagpaabot na ang DepEd ng taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya at sa komunidad ng paaralan na nagluluksa sa trahedya.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng kinakailangang hakbang ang ahensya.
Nanawagan din ito sa publiko na igalang ang privacy ng mga apektadong bata at ng kanilang mga pamilya at iwasang magbahagi ng hindi pa beripikadong impormasyon, pangalan, larawan, o video.
- Latest



















