NCRPO, hinigpitan ang seguridad sa ASEAN Summit
MANILA, Philippines — Puspusan na ang paghahanda ng National Capital Region Police Office at ng Philippine National Police para sa gaganaping 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Nobyembre 16-18, 2026.
Dumalo si NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano sa inter-agency coordination meeting para sa Harmonized Actions and Interventions for the 49th ASEAN Summit noong Huwebes, Oktubre 1, 2026.
Tinalakay sa pagpupulong ng mga kinatawan ng bawat ahensiya, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Tourism, Department of the Interior and Local Government, at iba pa, ang mga hakbang upang matiyak ang maayos, ligtas, at matagumpay na pagdaraos ng regional gathering sa Nobyembre.
Nakatuon ang pagpupulong sa pagpapalakas ng koordinasyon at pagtutulungan sa traffic management, mobility, seguridad, crowd management, at iba pang logistical requirements sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad na may kaugnayan sa ASEAN Summit.
Binigyang-diin din ang pangangailangan para sa tuluy-tuloy na koordinasyon at mabilis na pagtugon sa bawat venue, kabilang ang mga hakbang sa traffic at transportasyon, maayos na paggalaw ng mga official convoy, at pagbibigay ng kinakailangang assistance sa mga ASEAN leaders, delegates, guests, at iba pang participants.
Pinaiigting ng NCRPO ang police visibility, security coverage sa mga rutang maaaring daanan ng mga delegado, gayundin ang intelligence at information monitoring sa mga strategic areas.
- Latest


















