Ryza at Miguel, hindi pa handang pakasal

Abala man sa pagiging isang artista ay kabi-kabila rin ang ginagawang negosyo ni Ryza Cenon.
Bukod sa pagbebenta ng mga bag ay namamayagpag din ang MidNight Café na pag-aari ng aktres. Mahalaga para kay Ryza na mayroong ibang pinagkakakitaan dahil hindi palaging may trabaho ang isang artista. “Sa school po, may mga parents or mommies na nag-o-order din sa akin (ng cookies) para sa birthday ng anak nila. Meron din po akong YOU Bag, bags naman na sobrang affordable. Sa pag-aartista, hindi naman siya regular work, (hindi) everyday may trabaho ka. May times na magpapahinga ka talaga. So do’n po pumapasok ‘yung business. Meron ka pa ring gagawin. Kumbaga, meron pa ring pumapasok sa iyo. Then bilang may pamilya na po ako, kailangang magtrabaho nang magtrabaho,” paglalahad sa amin ni Ryza sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mawalan man ng proyekto sa show business ay hindi umano hahantong sa pagpapaseksi ang aktres dahil sa kanyang anak na si Night. Mag-aanim na taong gulang na ngayon ang bata. “Ngayong may anak na ako, huwag lang po ‘yung mga sexy. Ayoko pong pagdating ng panahon, ang internet kasi kapag nando’n na, nando’n na. Hindi na natin mababawi ‘yan, forever na ‘yan. So kapag lumaki na siya at nakita niya ‘yon at napapanood ng classmates niya ‘yung ginawa kong sexy na ‘yon, baka ma-bully lang po siya or pagtawanan siya,” paliwanag niya.
Ngayon ay abala na rin si Ryza sa taping ng Hari ng Tondo na pinagbibidahan ni Dennis Trillo. Magbibida rin ang aktres sa Magpakailanman na mapapanood ngayong Oct. 24. Aminado si Ryza na nahirapan sa paggawa ng drama ngayon. “Tungkol po ito sa isang pamilya na nagkaroon ng conjoined twins. Tapos may mga challenges. Nagkaroon sila ng offer na paghiwalayin ‘yung anak nila. Nando’n ‘yung challenge kasi ‘yung isa nasa ICU pa. Actually, no’ng nag-taping kami kinabahan po ako. Kasi sa tagal po, first time ko ulit mag-drama. Kasi lagi po akong action, ‘yung ginagawa ko po. Ngayon first time, sabi ko, ‘Makakayanan ko bang magluha?’ Buong araw po akong lumuluha. Ang ginagawa ko po, hinihimay ko po ‘yung script. Do’n po ako huhugot, lalagyan ko po siya ng backstory,” kwento ng aktres.
Bilang isang ina sa tunay na buhay ay talagang dinidisiplina ni Ryza ang nag-iisang anak. Mayroong mga pagkakataon na napapalo ng aktres si Night. “Yes, palo lang po sa kamay. May hug din po sa dulo. Bago matapos ang conversation, tinatanong ko siya, ano ang ginagawa mong mali? Para aware siya kung anong mali ang ginawa niya. Kung bakit nando’n siya sa sitwasyon na ‘yon. Cool (mom) pero strict. Tinry ko pong maging gentle sa anak ko. Sinubukan ko po ‘yung gentle parenting, hindi po siya para sa kanya, kasi bilang lalaki siya,” pagtatapat ng aktres.
Kahit matagal nang nagsasama ay wala pa umanong balak magpakasal si Ryza at ang cinematographer na si Miguel Antonio Cruz. Para sa aktres ay mas importanteng patibayin pa nila ng nobyo ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan. “Mas gusto pa naming mas patatagin pa ‘yung foundation ng love namin. Kasi ang hirap pong pumasok sa marriage nang hindi kayo pareho ready mentally at saka emotionally. Iniisip din namin si Night. Baka mamaya, nagmamadali kaming pumasok sa marriage, tapos ang ending maghihiwalay rin. Ang magsa-suffer po si Night,” makahulugang pagtatapos ng aktres. (Reports from JCC)
- Latest























