Eala sure bronze na sa Asian Games

MANILA, Philippines — Kagaya ng dapat asahan, sumampa si Pinay tennis sensation Alex Eala sa semifinal round ng women’s singles sa 20th Asian Games tennis competition kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Pinatumba ni Eala si Joanna Garland ng Chinese Taipei, 7-5, 6-0, papasok sa semifinals para makatiyak ng bronze medal sa harap ng kanyang mga fans sa Centre Court ng Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center.
Tinapos ng 21-anyos na Pinay netter ang kanilang quarterfinal duel ng World No. 143 seed na si Garland sa loob ng isang oras at 46 minuto.
Hindi nagpadaig si Garland at kinuha ang 4-3 bentahe sa first set bago nakabangon si Eala at inagaw ang 6-5 abante patungo sa kanyang 7-5 panalo.
Itinuloy ni Eala ang kanyang arangkada sa second set kung saan hindi na nakaporma si Garland mula sa mga atake ng Pinay sa baseline.
Lalabanan ni Eala si tournament No. 4 ranked Wang Xiyu ng China sa semifinals kung saan nakataya ang isang finals berth para sa gold medal.
Inaasahan ng kanyang mga Pinoy fans na makukuha ni Eala ang Asiad gold medal.
“I mean, when I’m on court, it’s me and the ball and the court. And at the end of the day, being a professional tennis player and a competitive tennis player, you know, losing comes, you have to understand that losing is part of the job and losing is always a possibility,” ani Eala.
“That’s why, you know, that’s what makes tennis so difficult, that’s what makes tennis so exciting, is that you never know what’s going to happen and you can’t let your guard down,” dagdag nito.
Ito ang ikalawang sunod na Asiad appearance ni Eala matapos humataw ng tig-isang bronze sa women’s singles at mixed doubles kasama si Francis Casey Alcantara sa 2022 edition sa Hangzhou, China.
Sa isang maaraw na hapon ay napanood na rin sa wakas ng kanyang mga kababayan at mga miyembro ng Team Philippines ang World No. 18 matapos maglaro ng isang singles at isang doubles match katambal si Shaira Rivera sa indoor court dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Swak na rin sina Eala, ang top seed sa Aichi-Nagoya Asiad, at Rivera sa second round ng women’s doubles.
Binugbog nina Eala at Rivera sina Ching Lai at Kallista Liu ng Hong Kong, 6-1, 6-3, sa kanilang first round showdown noong Martes.
- Latest























