7-anyos, 2 beses nagulungan ng van, dedo
GUIGUINTO, Bulacan, Philippines — Patay ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos suwugin ng isang closed van at magulungan ng dalawang beses sa bahagi ng Manila North road sa Brgy. Tuktukan ng nasabing bayan kamakalawa ng umaga.
Sa ulat, sakay ng motorsiklong Honda Beat ang mister na si alias “Jast,” 31-anyos, at angkas ang kanyang anak-anakan si “Yuan,” isang batang mag-aaral; kapwa residente ng Brgy. Tuktukan nang maganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga malapit sa Tuktukan Elementary School.
Habang bumabagtas sa highway ang nasabing motorsiklo nang bigla itong banggain sa kaliwang bahagi nito ng isang Isuzu closed van.
Dahil sa insidente, tumalsik ang mag-ama na nagtamo nang matinding sugat at kapwa isinugod sa Balagtas Doctors Hospital.
Gayunman, namatay ang batang si Yuan habang ginagamot sa ospital.
Ayon sa driver ng van na si alias “Marin,” residente ng Tondo, Manila, bigla umanong nawalan ng preno ang kanyang sasakyan sanhi upang mahagip nito ang motorsiklo.
Inaresto si Marin ng dalawang barangay tanod na rumesponde sa lugar at itinurn-over sa Guiguinto Municipal Police alas-3:40 ng hapon. Siya ay kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property.
- Latest






















