Barangay SK polls tuloy na sa 2028

Batas pinirmahan ni Pres. Marcos
MANILA, Philippines — Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na dapat nakatakda sa Nobyembre 2, 2026.
Sa ilalim ng bagong batas, pinalawig sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. Ang susunod na BSKE ay gaganapin sa Nobyembre 13, 2028.
“Ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dagdag na panahon para maglingkod,” ani Pangulong Marcos sa kanyang Facebook post.
Hinimok din ng Pangulo ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK na gamitin ang karagdagang panahon upang higit pang mapabuti ang serbisyo sa publiko, matapos ang mga nasimulang programa, at matugunan
ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad, pamilya, at kabataan.
Ayon sa batas, isasagawa ang BSKE tuwing ikalawang Lunes ng Nobyembre simula 2028, at susundan ito ng halalan kada limang taon.
Pinapayagan din ang mga alkalde na magtalaga ng kapalit na miyembro ng SK sakaling magkaroon ng bakante sa posisyon. Gayunman, kinakailangang taglay ng itatalaga ang mga kwalipikasyong nakasaad sa SK Reform Act of 2015.
Nakasaad din sa batas na anumang natitirang pondo na inilaan para sa BSKE ay mananatiling magagamit ng Commission on Elections (Comelec) bilang pondo para sa paghahanda sa 2028 National and Local Elections at iba pang legal na gastusin na itatakda ng Komisyon.
Samantala, inaasahan na ang pagpapaliban ng BSKE ay magdudulot ng pag-aaksaya sa bahagi ng tinatayang P8 bilyong nagastos na ng Comelec para sa paghahanda ng halalan.
Gayunman, nilinaw ni Comelec Chairman George Garcia na maaari pa ring magamit ang karamihan sa mga naipamahaging materyales at kagamitang inihanda para sa BSKE sa mga susunod na eleksyon.
Inianunsiyo na rin ng Comelec na bubuksan nilang muli ang voter registration sa bansa sa ikalawang linggo ng Nobyembre.
- Latest





















