National Land Use Act, isusulong sa Kamara
MANILA, Philippines — Isusulong ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas ang pagpasa ng National Land Use Act (NLUA), kasabay ng pagkilala sa patuloy na pagtalakay ng Senado sa panukalang ilang dekada nang nakabinbin sa Kongreso.
Si Matugas, chairman ng House Special Committee on Land Use at pangunahing may-akda ng House Bill No. 8466 ay umaasang mapapahusay pa ang panukala sa pamamagitan ng mga suhestiyon ng mga senador.
Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 8466 noong Mayo 5 at ipinadala sa Senado kinabukasan.
Layunin ng panukala na maglatag ng pambansang polisiya sa paggamit ng lupa at lumikha ng National Land Use Commission para pangasiwaan ang pagpaplano at paggamit nito para sa agrikultura, pabahay, imprastraktura, pagpapaunlad ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan at disaster preparedness.
Ayon kay Matugas, ipinagpapatuloy lamang ng kasalukuyang Kongreso ang mga naunang hakbang upang maisabatas ang NLUA kabilang ang mga ginawa noong 19th Congress.
Aniya, handa ang Kamara na makipagtulungan sa Senado upang makabuo ng mas matibay at epektibong batas.
- Latest




















