Valenzuela Emergency Hospital upgraded to DOH Level 1

MANILA, Philippines — Na-upgrade na bilang Department of Health (DOH)-accredited Level 1 hospital ang Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH), na magbibigay-daan sa pagpapalawak ng serbisyong medikal para sa mga residente ng lungsod.
Pormal na inanunsyo ng City Government of Valenzuela sa pangunguna ni Mayor Wes Gatchalian ang upgrade kahapon, Setyembre 16, 2026. Ipinagkaloob ng DOH ang Level 1 accreditation sa VCEH noong Hulyo 30, mula sa dating infirmary.
Kabilang sa mga karagdagang serbisyong maaari nang ibigay ng VCEH ang anesthesia services, operating room, Level 1 imaging services, expanded outpatient department at piling elective major surgeries. Itinatag ang ospital bilang infirmary noong 2012 at sumailalim sa rehabilitation at pagpapalawak ng pasilidad, kabilang ang pagtatayo ng multi-level parking building na natapos noong 2025.
Kasabay ng upgrade ng ospital ang pagpapalawak ng Valenzuela HOPE Molecular Laboratory, na maaari nang magsagawa ng karagdagang pagsusuri para sa viral respiratory panel, leptospirosis, human papillomavirus (HPV) at arbovirus.
- Latest


















