2 ex-BuCor execs, 5 pa kakasuhan sa nawawalang PDLs trust fund

MANILA, Philippines — Kakasuhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ng administratibo, kriminal, at sibil ang dalawang dating superintendent ng Correctional Institution for Women (CIW) at limang iba pang tauhan kaugnay ng nawawalang pondo para sa persons deprived of liberty (PDLs). Iniutos ito ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. matapos aprubahan ang rekomendasyon ng Directorate for Intelligence and Investigation (DII) na simulan ang administrative proceedings laban sa pitong tauhan.
Batay sa imbestigasyon ng DII, hindi maipaliwanag ni CO2 Bianca Flor Ramos, dating CIW Trust Fund Officer, ang P5,153,375 na halaga ng PDL Trust Fund. Sa hiwalay na audit ng BuCor Internal Audit Service Unit noong Agosto 25, 2026, lumitaw naman ang P6.4 milyong hindi pa naia-account, bukod sa mahigit P1.2 milyon na naitala bilang receivables. Sinabi ni Catapang na magsasagawa ng panibagong pagsusuri upang pagtugmain ang pagkakaiba sa halaga.
Nahaharap sina dating CIW superintendents CSSupt. Daisy Sevilla-Castillote, at CTSSupt. Marjorie Ann Sanidad sa kaso dahil sa mga desisyong may kaugnayan sa paggamit ng pondo. Iniuugnay kay Castillote ang pag-apruba sa paggamit ng Trust Fund para sa pagsasaayos ng ilang pasilidad, habang si Sanidad ay nag-apruba sa pagpapahiram ng P300,000 mula sa pondo upang takpan ang LBC remittance na nakalaan para sa mga PDL.
Samantala, iniuugnay kay Ramos ang hindi maipaliwanag na pondo, habang si CO1 Maryrose Abucay ay sinisi sa kawalan ng pormal na turnover document at independent witnesses sa paglilipat ng pera. Sina CO1 Madel Figuerres, CO1 Gloria Lakisa, at CO1 Charlot Jennifer Carreon naman ay iniuugnay sa pagkukulang sa pagtatala, dokumentasyon, pagsubaybay, reconciliation, at beripikasyon ng mga transaksyon at rekord ng Trust Fund.
- Latest






















