Aresto kay Romualdez, ‘drama’ lang – VP Sara
MANILA, Philippines — Hindi ang kanyang pag-aresto ang maituturing na “totoong drama,” kundi ang naging pagdakip umano kay dating House speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.”
Ito ang sinabi ni Vice President Sara Duterte bilang reaksiyon sa naunang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nagsabing nais ng bise presidente ng ‘drama’ bago maglagak ng piyansa sa kinakaharap na kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
“Siya ‘yung may gusto ng drama,” ayon pa kay VP Sara, sa isang ambush interview, matapos na dumalo ito sa kanyang arraignment sa naturang kaso kahapon ng umaga, na kalaunan ay ipinagpaliban din base na rin sa kahilingan ng kanilang kampo.
Aniya, ang totoong drama kung makikita ninyo ay ‘yung pag-aresto kay Romualdez na kasalukuyang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center matapos na maaresto.
Una nang sinabi ni Remulla na nais ni VP Sara na makulong sa Camp Crame kahit na bailable naman ang kinakaharap nitong kasong grave threats sa hukuman, ngunit tumanggi silang gawin ito sa bise presidente.
“Ang drama nila gusto nila makulong siya. Hindi kami pumayag. We wanted to go according to the rules of law and the rules of court,” anang kalihim.
Si Romualdez ay inaresto sa kasong plunder na may kinalaman sa P7.4 bilyong kickbacks sa iba’t ibang government projects mula 2022 hanggang 2025.
Isinilbi ang warrant kay Romualdez habang nasa hospital bed sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, kung saan dun na rin siya kinuhanan ng mug shots, na isinapubliko ng pulisya kalaunan.
Walang mug shots si VP Sara, na nagdala na lang umano ng sarili niyang pictures nang sumuko at magpiyansa sa korte nitong Setyembre 5.
- Latest




















