Bayad sa mga sine, barya na lang?!

Mas barya na ang panonood ng pelikula ngayon.
Nagbababa na ang mga sinehan ng bayad.
Lalo na sa local films. May P250 hanggang P150. Para ka na lang nagkape o mas mahal pa nga ang isang order ng coffee – tall size.
Kaya sana naman ay mas marami na ang manood ng mga sine particular na ang mga Tagalog film.
Nawa’y lumaban ito sa takilya at ‘wag masayang ang effort ng mga taga-industriya. Bagama’t kailangan din namang mag-level up ng mga producer sa kanilang io-offer na pelikula.
Pag-isipan din sana.
Anyway, pelikulang horror, mystery at thriller ang mapagpipilian ng mga manonood matapos ilabas ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang ratings para sa walong sineng palabas ngayong linggo.
Paliwanag ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto, ang panonood ay hindi lamang bonding moment, kundi pagkakataon din para sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak.
“Karamihan sa mga pelikula ay rated PG (Parental Guidance), kaya asahan ang mas maraming pamilya na dadagsa sa ating mga sinehan,” sabi ni Sotto.
Dagdag niya: “Lagi naming pinapaalalahanan ang ating mga magulang na tingnan muna ang MTRCB ratings upang makasiguro na ang sine ay angkop sa edad at antas ng pag-intindi ng kanilang mga anak.”
Dalawa sa mga pelikulang palabas ay likhang Pilipino. Ang Poon (The Hallowed), isang mystery drama, ay rated R-16.
Tinukoy ng MTRCB sa pelikula ang “graphic but non-gratuitous depiction of horror, frightening scenes and gore, graphic but non-gratuitous depiction of violence and gore and non-graphic depiction of sexual activity.”
Maliban dito, ang “over-all theme and messages in the movie – sexual abuse, incest, false religious beliefs, implied suicide, murder, supernatural sequences” ay mas angkop sa mga nakakatandang manonood.
Pinagbibidahan naman nina Bela Padilla at Maricel Soriano ang Life After You. Ito ay rated PG dahil sa “mature themes and emotionally charged scenes involving family relationships, motherhood, responsibility and conflict” nito.
Ang romantic fantasy film na Practical Magic 2 naman ang inaabangang sequel ng 1998 na sine, ang Practical Magic. Ito ay rated PG at bida rito sina Sandra Bullock at Nicole Kidman.
Sabi ng Ahensiya, ang pelikula ay may “fantasy violence, supernatural horror elements, magical rituals and emotionally intense scenes” na maaaring nakababahala sa mga batang manonood. Ito rin ay may mild frightening scenes at supernatural imagery, maliban sa fantasy violence at pagtutuos ng mga character gamit ang witchcraft at supernatural abilities.
“Imitable behavior is limited to fictional depictions of spell-casting and magical rituals presented within a fantasy context. The suspenseful sequences and mature thematic material are suitable for teenagers and adults but may not be appropriate for younger children,” sabi ng MTRCB.
Matutuwa naman ang mga anime otaku sa pinakabagong installment ng Detective Conan franchise.
Rated PG ang Detective Conan: Fallen Angel of the Highway, na eksklusibong mapapanood sa SM Cinemas. Tampok dito ang mga boses nina Minami Takayama at Wakana Yamazaki.
Nakapaloob sa anime feature ang mystery, mga imbestigasyon ng krimen, loss, responsibilidad at paghihiganti na inilahad sa paraang maiintindihan ng mga batang manonood. Sabi ng MTRCB, ang ilang pagtukoy sa kamatayan at pagdadalamhati ay kailangan ng gabay ng magulang.
Ang sine ay may maaksiyong eksena ng high-speed motorcycle at vehicle chases, mga banggaan, pagsabog, pagpapaputok ng baril, mga banta, sandata at hand-to-hand fighting. Dapat payuhan ang mga bata na ang mga ganitong eksena ay “fictional and performed for entertainment.”
Ang Fall 2, isang thriller, ay rated PG. Bida rito sina Harriet Slater, Arsema Thomas, Virginia Gardner at Tom Brittney. Sabi ng Ahensiya, dapat paalalahanan ang mga bata na huwag gawin ang mga mapanganib at daredevil stunts sa pelikulang ito.
Ang Cahim, isang Turkish horror film, ay rated R-13 dahil sa “horrific, fear-inducing scenes, supernatural violence, occult practices, and disturbing thematic elements of witchcraft and curses and demonic entities” nito.
Samantala, rated R-13 ang 2024 thriller action movie na Run Baby Run. Bida rito sina Catuxa Leira, Cody Cowell at Oscar Foronda. Ito ay eksklusibong ipapalabas sa Megaworld Cinemas.
Ang It Ends, isang horror na pinagbibidahan nina Phinehas Yoon, Akira Jackson, Noah Toth at Mitchell Cole, ay rated R-13 at eksklusibong mapanonood sa SM Cinemas.
- Latest
























