Depensa pumalag sa ‘boring’ na impeachment trial
MANILA, Philippines — Pinalagan ng defense team ni Vice President Sara Duterte na sinasadya umano nilang gawing ‘boring’ ang impeachment trial matapos ang ika-20 araw ng trial.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Justin Nicol Gular na hindi nila istratehiya na gawing ‘boring’ ang trial at ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho sa proceedings.
“Ginagawa lang po namin ang kailangan po naming gawin. Hindi po kami nag-iisip na dapat for today gawin nating boring, bukas gawin nating masaya,” ani Gular matapos matanong tungkol sa mga sinasabi ng mga netizens sa social media na nagiging boring na ang trial.
Pero, nilinaw din ni Gular na naiintindihan nila ang sentimiyento ng publiko lalo na ‘yung mga nakatutok sa proceedings.
Umapela pa si Gular sa publiko na maging “patient” dahil ganoon lamang talaga ang proseso.
Pansamantalang si Gular ang humarap sa media na nagkokober ng depensa dahil ipipresinta bukas ng proseksusyon bilang testigo ang spokesperson ng depensa na si Atty. Michael Poa.
- Latest















