Lolo dedo sa karambola ng 4 behikulo

MANILA, Philippines — Patay ang isang 64-anyos na lolo makaraang mahagip sa pagbabanggaan ng apat na behikulo sa panulukan ng Magsagysay Avenue at Hilltop Street sa Baguio City nitong Biyernes ng hapon.
Sa report ni Baguio City Police Chief P/Col. Ruel Tagel, ang nasawing biktima ay isang pedestrian na nasalpok ng Isuzu closed van na minamaneho ng isang 48 taong gulang na lalaki matapos naman masiraan ng makina ang behikulo nito dakong alas-4 ng hapon habang bumabagtas sa pababang bahagi ng Hilltop Street ng lungsod.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang matanda ay nagkataong tumatawid ng mangyari ang malagim na sakuna.
Ang nasabing van ay sumalpok din sa Toyota Hilux pickup na minamaneho naman ng 28 taong gulang na negosyante at isang Toyota Innova na minamaneho naman ng 21-anyos na estudyante .
Sa lakas ng pagkakabangga, sumadsad sa outer lane ang Innova na nasalpok naman ang isang Toyota Innova taxi na minamaneho ng 44-anyos na lalaki.
Agad na nagresponde ang mga elemento ng Bureau of Fire Protection (BFP) na binigyan ng inisyal na tulong medikal ang nasabing pedestrian. Isinugod ang matanda sa Baguio City Emergency Service pero idineklarang dead-on-arrival.
Ang apat na behikulo ay nagtamo ng pinsala sa insidente habang ilan sa mga biktima na nagtamo ng mga gasgas at bahagyang sugat sa katawan ay nilapatan naman ng first aid bunga ng insidente.
- Latest























