Parak tinagpas kamay ng nag-amok na baliw!

SAN JOSE, Camarines Sur, Philippines — Naputol ang kaliwang kamay at nasugatan sa mukha ang isang pulis matapos pagtatagain ng nirespondehang nag-aamok na lalaking may sakit umano sa pag-iisip sa Zone-1, Brgy. Calalahan, San Jose, Camarines Sur kamakalawa ng tanghali.
Kapwa nagpapagaling na sa Bicol Medical Center sa Naga City ang magiting na pulis na si Staff Sgt. Noli Miraña na naputulan ng kaliwang kamay at nasugatan sa mukha, pati na ang suspek na kinilala lamang sa pangalang Albert, 38-anyos, residente ng naturang lugar na binaril sa magkabilang hita dahil sa patuloy na pagwawala.
Sa ulat ng Police Regional Office 5, pasado alas-12 ng tanghali, humingi ng tulong ang mga residente ng barangay dahil sa paghuhuramentado ng suspek na armado ng itak.
Agad kumilos ang mga pulis sa pamumuno mismo ni Staff Sgt. Miraña at nirespondehan ang lugar. Pagdating doon ay agad nilang payapang kinausap ang nagwawalang lalaki na armado ng itak.
Gayunman, habang kinakausap ay bigla itong sumugod sa mga pulis dahilan para matumba si Miraña kaya naabutan ng suspek at mabilis nitong tinagpas ang kaliwang kamay ng nasabing pulis.
Dahil sa lakas ng pagtaga, putol at matinding dugo ang umagos sa pulis at nasugatan pa ang kanyang mukha.
Dahil dito, napilitang paputukan ng mga kasamang pulis ang magkabilang hita ng suspek sanhi upang duguang humandusay.
Mabilis at magkasamang isinugod ang sugatang pulis at suspek sa Partido District Hospital na kalauna’y inilipat sa malaking pagamutan sa Naga City dahil sa maselang kalagayan.
Pinuri naman ng mga opisyal at kapwa pulis ni PSS Miraña na habang buhay nang walang kaliwang kamay dahil sa ipinamalas na katapangan at kagitingan sa tawag ng tungkulin bilang pulis.
- Latest



















