2 drug suspects timbog sa P3.5 million shabu
MANILA, Philippines — Dalawang drug suspects ang arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad na nagresulta rin sa pagkakakumpiska nang mahigit sa P3.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Sampaloc, Manila kahapon ng madaling araw.
Ang mga suspek na sina alyas “Bebot,” 68 at alyas “Beng,” 53, kapwa residente ng Ma. Cristina St., sa Sampaloc ay kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-3 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa kanilang tahanan sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit.
Nauna rito, nakatanggap ang mga awtoridad ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t tinarget sila sa operasyon. Nagtangka pang tumakas ang mga suspek at tumalon mula sa bubong ng kanilang bahay ngunit nadakip rin ng mga pulis.
Kinailangan namang dalhin sa pagamutan si Bebot matapos na magtamo ng pinsala sa magkabilang binti at hindi makatayo dahil sa ginawang pagtalon mula sa bubong habang si Beng ay idiniretso sa piitan at ikinulong.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 525 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,570,000.
- Latest
















