Triple-double king Westbrook nagretiro na

NEW YORK — Opisyal na ipinahayag kahapon ni Russell Westbrook ang kanyang pagreretiro matapos maglaro ng 18 NBA seasons para sa pitong koponan.
“Sometimes you don’t even know when you’ve already watched the end,” wika ng 37-anyos na si Westbrook sa social media post niya na may kasamang video ng kanyang career na ikinuwento ni actor Michael B. Jordan. “You had to be there. And now it’s over.”
Nakatanggap si Westbrook ng offers sa offseason mula sa Sacramento Kings at Washington Wizards, ngunit mas pinili niyang tuluyan nang magretiro.
Noong 2016-17 season ay hinirang si Westbrook bilang unang player matapos si Oscar Robertson noong 1962 na nagtala ng average na triple-double para sa isang buong season habang naglalaro para sa Oklahoma City Thunder.
Nagtala siya ng mga averages na 31.6 points, 10.7 rebounds at 10.4 assists para makamit ang MVP award.
Tumipa si Westbrook ng NBA-record 42 triple-doubles sa nasabing season.
Napili si Westbrook bilang No. 4 sa 2008 NBA Draft ng Seattle SuperSonics, ngunit hindi naglaro para sa tropa.
Lumipat ang SuperSonics franchise sa Oklahoma City kung saan isinuot ni Westbrook ang Thunder jersey sa loob ng 11 season.
Nakasama niya sina Kevin Durant at James Harden para sa pagkopo ng OKC sa Western Conference title noong 2012 bago natalo sa Miami Heat sa NBA Finals.
- Latest





















