Titan Ultra tinambakan ng TNT

MANILA, Philippines — Sinabayan ng kampeon na Talk ‘N Text ang malakas na buhos ng ulan nang tambakan ang Titan Ultra, 114-80, para sa mabilis na bawi sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Sports Centrer sa Montalban, Rizal.
Karipas ang Tropang 5G sa 34-21 bentahe sa 1st quarter at pinalobo pa ito hanggang 34 puntos upang makaresbak sa 88-83 kabiguan sa lider na NLEX.
Naiganti ng tropa ni coach Chot Reyes ang 103-87 kabiguan kontra sa Giant Riser sa 1st round upang masolo ang tersera puwesto sa Group A hawak ang 4-3 kartada sa likod ng NLEX (6-1) at San Miguel Beer.
Trumangko sa opensa ng TNT si Jordan Heading na kumonekta ng 23 puntos sa 4 na tres sahog pa ang 5 assists para sa maugong niyang pagbabalik matapos hindi makalaro kontra sa Road Warriors dahil sa shoulder injury.
Umayuda sa kanya si Brandon Ganuelas-Rosser na kagagaling lang din sa ankle injury upang kumolekta ng 19 puntos, 4 rebounds at 4 assists habang may double-double na 19 puntos at 12 rebounds si Rahlil Hollis-Jefferson.
Nag-ambag pa ng 14, 12 at 9 na puntos sina Rey Nambatac, Kim Aurin at Kevin Ferrer habang may 4 si Roger Pogoy, na galing din sa knee injury kaya hindi nakasalang kontra sa NLEX.
“We really made a concerted effort to really focus on defense. Even when we lost to NLEX, I thought we played great defense except that we just could not get enough points on the board,” ani Reyes.
- Latest

















