^

Punto Mo

EDITORYAL — Paninira sa kalaban

Pang-masa

KUNG totoo ang alegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa umano’y honeytrap plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto, nakababahala ito hindi lamang para sa target ng operasyon, kundi para sa buong kalidad ng pulitika sa bansa.

Hindi na bago ang character assassination sa Pili­pinas. Matagal nang ginagamit ang tsismis, blind item, edited video, bayarang testigo, at personal na eskandalo para sirain ang kalaban.

Pero ibang usapan kapag ang paratang ay may kinalaman na sa umano’y planong mag-recruit ng mga babae para maglabas ng fabricated statements at palabasing sangkot ang isang opisyal sa sex, droga, o kaya’y human trafficking.

Kung mapapatunayan, hindi ito ordinaryong away-pulitika. Isa itong mapanganib na paggamit sa katawan, dignidad, at kabuhayan ng kababaihan bilang bala sa laban ng mga makapangyarihan.

At kung gawa-gawa naman ang paratang, dapat ding managot ang nagpakalat nito. Hindi ito dapat ipagwalambahala. Dapat managot ang mga nasa likod nito.

Mahalagang maging maingat.

Ang mga mambabatas na sina Leandro Leviste at Jing Paras, na nabanggit sa imbestigasyon, ay iti­nanggi ang pagkakasangkot at may karapatan sa due process. Hindi puwedeng hatulan ang sinuman batay lamang sa press briefing, social media post, o political feud.

Pero hindi rin dapat maliitin ang banta ng ganitong klaseng operasyon. Kapag ang pulitika ay bumaba sa antas ng entrapment, blackmail, at sexual smear campaign, ang natatalo ay hindi lang ang isang opisyal.

Natatalo ang publiko, dahil natatabunan ng batuhan ng putik ang totoong usapan tungkol sa korapsiyon na dapat ay mas binibigyang pansin ng lahat ng Pilipino ngayon.

Mas madaling magpakalat ng eskandalo kaysa maglatag ng plataporma. Mas mabilis kumalat ang maruming kuwento kaysa mabusising ebidensiya.

Kaya lalong kailangan ng institusyong matatag, imbestigasyong patas, at mamamayang hindi agad nagpapadala sa eskandalo.

Kung may krimen, kasuhan. Kung may kasinu­ngalingan, ilantad. Kung may nag-imbento, pana­gutin.

Hindi dapat honeytrap, sex scandal, o fabricated witness ang magpasya sa kapalaran ng bansa.

NATIONAL BUREAU OF INVESTIGATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with