Manhunt ops vs killer ng guro inilunsad

STA. MARIA, Bulacan, Philippines — Naglunsad ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang 38-anyos na guro sa Brgy. Poblacion, Sta. Maria, Bulacan nitong kamakalawa.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtamo ng tama ng bala ang biktima, isang 38-anyos na lalaking guro na si alyas “Gener” ng Brgy. Poblacion, matapos umano siyang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek na nakasuot ng puting bull cap bandang alas-12:30 ng madaling araw ntong Hulyo 30.
Ayon sa ulat, ayon sa kapatid na babae ng biktima, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng putok ng baril at kasunod nito ay ang paghingi ng saklolo ng kanyang kapatid. Paglabas niya ng bahay, nadatnan niyang duguan ang biktima dahil sa tama ng bala kaya isinugod sa Bocaue Specialist Hospital upang malapatan nang agarang lunas subalit makalipas ang ilang oras ay binawian din ito ng buhay.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis sa lugar at nangalap ng mga ebidensya, at nagsagawa ang mga imbestigador ng CCTV backtracking upang matukoy at matunton ang tumakas na suspek.
Inatasan na rin ni PLt. Col Mark Louie Sigua, hepe ng Sta. Maria Police, ang lahat ng kaukulang yunit na paigtingin ang operasyon upang matukoy at maaresto ang salarin.
- Latest






















