QCPD: Akusasyon vs mga pulis, fake news
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Quezon City Police District (QCPD) ang kumakalat na umano’y mali at mapanirang impormasyon sa ilang Facebook groups na nag-uugnay sa ilang tauhan nito sa mga kasong panggagahasa, pag-inom ng alak sa loob ng opisina, at pagtatakip umano sa insidente.
Ayon sa QCPD, lumabas sa isinagawang imbestigasyon at sa mga sinumpaang salaysay ng complainant at ng mga sangkot na pulis na walang sapat na batayan ang naturang mga alegasyon. Wala rin umanong naihain na reklamong rape laban sa mga nasasangkot na tauhan.
Dahil dito, sinabi ng QCPD na walang sapat na ebidensya upang magsampa ng administratibo o kriminal na kaso laban sa mga concerned personnel. Inihayag din na na-archive na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang naturang usapin.
Nagbabala ang QCPD na maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas ang sinumang sadyang magpapakalat, magre-repost, o magbabahagi ng mali at mapanirang impormasyon.
Iginiit ng QCPD na patuloy nitong poprotektahan ang integridad ng mga tauhan nito at magsasagawa ng kaukulang legal na hakbang laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.
- Latest
















