Driver ng van na ‘gas-and-run’ nakorner
MANILA, Philippines — Nakorner ng mga awtoridad ang driver ng isang Toyota Tamaraw na umano’y sangkot sa gas-and-run sa loob ng Jordan Plains Subdivision, malapit sa Commonwealth Extension, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Batay sa ulat, alas-2:05 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Petron Gasoline Station branch sa Commonwealth Ave. kanto ng Regalado, Brgy. Fairview, sa lungsod.
Ayon sa gasoline boy nagpakarga umano ng gasolina ang driver at pagkatapos ay agad siyang tinakasan. Alas-2:27 ng hapon nang mai-report sa pulisya ang insidente kaya agad na nagkasa ng dragnet operation ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD).
Agad namang namataan at na-flag down ng mga operatiba ng QCPD Pasong Putik Police Station 16, ang puting Toyota Tamaraw sa Jordan Plains Subdivision, at nadakip ang drayber.
Nasa kustodiya na ng QCPD Police Fairview Police Station 5 ang suspek at sasakyan para sa kaukulang disposisyon at imbestigasyon.
- Latest

















