‘Mas Bughaw at Matatag na Malabon’ tiniyak ni Sandoval

MANILA, Philippines — Inilahad ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mga pangunahing nagawa ng kanyang administrasyon sa kanyang ika-apat na State of the City Address (SOCA), kung saan binigyang-diin ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pag-unlad ng lungsod sa ilalim ng temang “Mas Bughaw at Matatag na Malabon: Pinalawak na Oportunidad, Pinabilis na Pag-unlad.”
Ayon kay Sandoval, naging gabay ng kanyang administrasyon ang Lucky 9-Point Agenda sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagsuporta sa 49 micro, small and medium enterprises (MSMEs), pagtaas ng 19.64 porsiyento sa bilang ng mga rehistradong negosyo mula 2023 hanggang 2026, at paglikha nang mahigit 26,000 job vacancies. Patuloy rin aniya ang pagpapalawak ng mga programang pangkabuhayan at libreng edukasyon sa City of Malabon University.
Sinabi rin ng alkalde na nailipat na sa permanenteng pabahay ang 798 pamilya, habang pinalawak ang mga proyekto sa flood control, drainage, at pumping stations. Pinalakas din ang animal welfare at public health sa pamamagitan ng anti-rabies vaccination at iba pang serbisyong beterinaryo.
Ipinagpatuloy rin ng Malabon LGU ang digitalisasyon ng mga serbisyo sa pamamagitan ng online business permitting at SMART City initiatives. Pinalawak din ang mga serbisyong pangkalusugan, medical missions, libreng gamot, at iba’t ibang social protection program para sa mga senior citizen, solo parent, persons with disabilities, estudyante at iba pang sektor.
- Latest
















