NCRPO: Naka-full alert na simula bukas

Seguridad sa SONA 2026 kasado na
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na naka-full alert status na sila simula bukas ng alas-5 ng hapon kung saan susundan ito ng unti-unting deployment na bahagi ng kanilang paghahanda para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 27 sa Batasang Pambansa.
Una nang tiniyak ng NCRPO na handa na sila sa SONA kung saan nasa 21,261 pulis ang itinalaga para a security operations habang may standby personnel na 3,000 mula sa Police Regional Office 2, PRO- 4B, at PRO- 5.
Kabilang sa tututukan ang pagbabantay sa House of Representatives at Batasang Pambansa Complex, pangunahing mga kalsada, transport terminals, border control points, mga itinalagang rally zones, mga vital installations, at iba pang kritikal na mga lugar sa Metro Manila.
Nabatid na nagtalaga rin ng 11,196 na miyembro ng Civil Disturbance Management (CDM) upang matiyak ang maayos na mababantayan ang mga raliyista kasabay ng kanilang paghahayag ng kanilang mga saloobin.
Kabilang sa mga paghahanda sa seguridad ang pinaigting na pagsubaybay sa paniktik, seguridad sa ruta, at perimeter, pagpaplano ng contingency, Quick Reaction Teams, Explosive Ordnance Disposal units, SWAT elements, medical response teams, at koordinasyon sa Presidential Security Command, Armed Forces of the Philippines, MMDA, BFP, BJMP, Philippine Coast Guard, mga lokal na yunit ng pamahalaan, at iba pang mga stakeholder ng gobyerno, at pribadong pamahalaan.
Hinikayat din ng NCRPO ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, para sa pagpapatupad ng batas.
- Latest























