2 photojournalist, pulis nagkagirian sa anti-US protest

MANILA, Philippines — Dalawang photojournalist ang na-harass at pilit na inaaresto ng mga pulis nang mauwi sa komprontasyon ang kanilang pagbabantay sa mga raliyista na nagpumilit makalapit sa Philippine International Convention Center (PICC) kung saan dumalo si United States Secretary of State Marco Rubio sa ika-59 ASEAN Foreign Ministers’ Meeting, Miyerkules, Hulyo 22, Pasay City.
Ilang grupo ang lumahok sa rally kabilang ang grupong Bayan sa tapat ng Aliw Theatre, sa labas ng CCP Complex na may bitbit na mga plakard at isang banner na nagdedeklara ng “War criminal Marco Rubio, not welcome in the Philippines” habang kinokondena nila ang pagbisita ni Rubio sa bansa at ang presensya ng militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Kabilang sa pagkondena ng mga nagpoprotesta ang proyektong Pax Silica AI-native industrial hub sa New Clark City, na makakaapekto umano sa kapaligiran, pagkain, at suplay ng tubig sa mga komunidad sa lugar. Dahil naman umano sa pagkuha ng larawan ng mga photojournalist na sina Bulit Marquez, ng Associate Press at Rene Dilan, ng Manila times ay sinita ng mga pulis at muntik nang arestuhin si Marquez, na napigilan sa pagpalag at pagdepensa ng mga kasamahan sa media. Sa video ng panayam, sinabi ni Marquez, ayaw pakunan ng larawan ng pulisya ang pag-aresto sa isang raliyista kaya napamura siya.
Doon na raw siya sinubukang posasan ng isang pulis, dahilan para bumagsak ang kaniyang camera at nasira. Ayon pa sa freelance photojournalist, maaaring inakala ng mga awtoridad na kasama siya sa protesta kaya pinipigilan siya ng mga ito. Isang 22-taong-gulang na kasapi umano ng NGO Center for Environment Concerns at ng Kalikasan Environmental Network ang nasa kustodiya ng Pasay Police.
- Latest


















