Hulyo 22-23 2-day transport strike kasado na

MANILA, Philippines — Sinimulan na ngayong araw ng transport group na Manibela ang kanilang 2-day transport strike bilang protesta sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ang pagkabigo ng pamahalaan na magpatupad ng umento sa pasahe para sa public utility jeepneys (PUJs).
Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, alas-5 pa lamang ng umaga ngayong Miyerkules ay titigil na sa pamamasada ang kanilang mga miyembro.
Tinatayang aabot sa 100,000 public utility vehicles (PUVs) mula sa iba’t ibang transport sectors ang lalahok sa rally. Magtatayo rin aniya sila ng strike center sa Philcoa, Quezon City, pagsapit ng 7 ng umaga.
Plano rin umano nilang magmartsa patungo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maghain ng petisyon na humihingi ng P2 dagdag sa minimum jeepney fare.
Samantala, nagkilos protesta kahapon ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON ) sa harap ng isang gasoline station sa East Avenue sa Quezon City para ipanawagan sa gobyerno na ibasura ang buwis sa produktong petrolyo at aprubahan ang hirit na dagdag pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ni PISTON President Mody Floranda, hindi na kaya ng kanilang hanay ang big-time na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo. Aniya, may pending na petisyon ang PISTON sa LTFRB na P10 fare increase sa kasalukuyang P13 na pasahe sa jeep.
Sakaling maaprubahan, magiging P23 na ang minimum na pasahe sa jeep.
Sinabi pa ni Floranda na kinakailangan na kumita ngayon ang mga drayber ng P4,600 kada araw para punan ang kanilang boundary at fuel costs.
- Latest
















