Tanod na umawat sa rambol, dedbol
MANILA, Philippines — Nauwi sa kamatayan ang ginawang pag-awat ng isang barangay tanod sa grupo na nagrarambol matapos na siya ay mabaril ng dalawang beses sa tapat ng isang inuman sa Barangay Buting, Pasig City,kamakailan.
Ang biktima na nasawi dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Marlon Sabandal, 41-anyos, tanod sa Brgy. Buting ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng komprontasyon ang dalawang grupo na nag-iinuman dahil sa masamang titigan na nauwi sa rambulan.
Dumating si Sabandal at sinubukang awatin ang gulo na kung saan isa sa suspek ang kumuha ng baril mula sa nakaparadang sasakyan at ibinigay sa kasamahan at pinutukan ang kanilang kaaway,subalit ang tinamaan ay ang biktima.
Nagawa pang maglakad ni Sabandal patungo sa tricycle ng barangay kahit may tama ng mga bala at biglang bumagsak at dinala sa Rizal Medical Center na idineklarang dead-on-arrival.
Tatlong suspek ang tumakas sa direksyon ng C 5 Road sa direksyon ng Taguig, habang dalawa ang naaresto sa pinangyarihan, subalit ang gunman ay patuloy pang pinaghahanap.
- Latest























