Marcoleta ‘fit to travel’ na - PNP

MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na maaari nang bumiyahe si Sen. Rodante Marcoleta matapos gumaling mula sa mild pneumonia at altapresyon. Gayunman, mas nais ng PNP na hintayin ang pagtatapos ng pitong araw na antibiotic treatment ng senador bago ito ihatid sa Sandiganbayan. Matatapos ang kanyang gamutan sa Miyerkules, Hulyo 15.
Ayon kay Lt. Col. Benaly Bayani, hepe ng Internal Medicine ng PNP General Hospital, makakabiyahe na si Marcoleta anumang oras ngunit mas mainam na makumpleto muna ang iniinom nitong gamot para sa kanyang kondisyon sa baga.
Matatandaang dinala si Marcoleta sa PNP General Hospital matapos makaranas ng pananakit ng dibdib at batok habang isinasagawa ang booking procedure kasunod ng kanyang pag-aresto noong Hulyo 6 kaugnay ng kasong plunder. Naagkaroon ng mild pneumonia si Marcoleta habang naka-confine bagamat stable na ang kanyang blood pressure na nasa 130/90 batay sa pinakahuling pagsusuri.
Kapag naiharap na si Marcoleta sa Third Division ng Sandiganbayan, inaasahang maglalabas ang korte ng commitment order. Hindi naman nakapagbigay ng eksaktong araw at oras si Bayani sa paglilipat kay Marcoleta sa kustodiya ng BJMP. Ang tatlo niyang kapwa akusado ay kasalukuyang nakakulong sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas.
- Latest


















