Baguio niyanig ng magnitude 4.5
BAGUIO CITY, Philippines — Naglabas ng ulat ang mga state seismologist ukol sa lindol na may lakas na magnitude 4.5 na tumama sa Hilagang Luzon nitong Huwebes nang alas-2:33 ng hapon, kung saan in-update ang lalim, sentro, at naiulat na intensidad ng lindol.
Ayon sa advisory, ang lindol ay may lalim na 11 kilometro at ang sentro nito ay nasa 16.33°N, 120.47°E, o 1 kilometro sa hilaga 12° kanluran ng Pugo, La Union. Sa naunang advisory, inilagay ang sentro nito malapit sa Tuba, Benguet na may lalim na 10 kilometro.
Agad na sinuspinde ng mga paaralan, mula kolehiyo hanggang elementarya, ang klase habang pansamantalang itinigil din ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong opisina sa mga gusali upang magbigay-daan sa structural inspection.
Ayon sa pulisya ng Baguio, ilang estudyante ang dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center matapos mahimatay at magreklamo ng panic attacks.
- Latest





















