Parak todas sa Cavite buy-bust!

Lider ng drug group timbog
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang isang pulis sa Calabarzon nang barilin ng isa sa apat na drug suspect kabilang ang kanilang umano’y lider na naaresto sa isang anti-drug operation sa Barangay San Esteban, Dasmariñas City, Cavite, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang napaslang na si Police Corporal Anthony John Martinez, nakatalaga sa Regional Police Drug Enforcement Unit (RDEU)-4. Siya ay idineklarang dead-on-the-spot sa nangyaring sa shootout.
Ang naarestong lider ay kinilalang si Jeffrey Alejos alyas “Jun”, 42-anyos.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang madugong engkuwentro sa kahabaan ng Nido Street, sa nasabing barangay dakong alas-11:40 ng gabi.
Si Alejos ay nakatala sa pulisya bilang High-Value drug personality at pangunahing target ng nasabing buy-bust operation.
Ang mga kasamahan ni Alejos na sina alyas Nalos, Asera, at isa pa na may iba’t ibang alyas na Geston, Keith, Lendy, Baldos Andrada, ay nagawang makatakas sa engkuwentro at kasalukuyang tinutugis ng mga nilikhang tracking team ng Dasmariñas Police.
Bago ang engkuwentro, nagtungo si Cpl. Martinez kasama ang confidential informant at iba pang operatiba ng RDEU4a sa bahay nina alyas “Andrada” at alyas “Asera” para magsagawa ng buy-bust operation sa hideout ng suspek sa Barangay San Esteban.
Isa sa RDEU4a police officer na kinilalang si Staff Sergeant Franz Zorilla, ang umaktong poseur buyer para bumili ng shabu kay alyas Alejos kapalit ng isang sachet na naglalaman ng shabu na may halagang P1,000 na bust money.
Naghinala ang isa sa apat na suspek, kung kaya agad bumunot si alyas Andrada ng baril at malapitan pinagbabaril ang pulis
na agad bumulagta.
Ang tatlo sa mga suspect na nahuli sa akto sa pot session sa lugar ay nagawa umanong makatakas habang si alyas Alejos ay naaresto.
Nakuha mula sa encounter site ang pitong plastic sachet ng shabu na hindi pa matukoy ang halaga.
- Latest


















