Aga, Dennis, Maricel at Vice/Vic, may rambulan sa MMFF!

Dalawang lungsod, ang San Juan at Mandaluyong City, ang hosts ng ngayong taong Metro Manila Film Festival (MMFF).
In-announce ito sa Greenhills Mall kahapon na dinaluhan ng dalawang alkalde at ang karagdagang pasabog nila ay magho-host din ang Bacolod City.
Andun sina Mayor Francis Zamora ng San Juan, si Mayor Menchie Abalos ng Mandaluyong, at si Mayor Greg Gasataya ng Bacolod.
Kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes, in-announce ng tatlong mayor ang apat na script na napiling pasok sa ngayong taong MMFF.
Ang unang tinawag ay ang entry ng Viva Films na prequel ng Miracle In Cell No. 7. At ang title nito ngayon ay ang 2nd Miracle in Cell No. 7. Si Aga Muhlach pa rin ang bida nito. Kaya nga siguro puspusan ang pagpapayat ni Aga.
Ang pangalawang in-announce ay ang entry ng GMA films, isang fantasy film na ididirek ni Zig Dulay.

Amir ang title na pinagbidahan nina Dennis Trillo, Glaiza de Castro at Will Ashley. Present doon si Argus ang batang gaganap na young Will Ashley na bilang si Amir.
Ang pagkakaalam ko, may halong animation ang naturang pelikula kaya tiyak na pambata ito.

Pangatlong tinawag ang entry ng Regal Entertainment, ang horror film na Haunted Carnival na pinagbidahan nina Julia Barretto, James Reid, John Arcilla at Maricel Soriano.
At ang pang-apat ay ang inaasahan nang kalahok ng Star Cinema, APT, MZet at IdeaFirst na The Greatest Showdown nina Vic Sotto at Vice Ganda.
Pero hindi inaasahan ng lahat na biglang umapir doon sa event sina Vic at Vice Ganda. Kaya nagkagulo ang mga tao sa mala-mall show na announcement.

Nakorner namin sa backstage ang dalawang bida. Kaya tinanong namin sila kung asahan ba natin ang swap nang guesting nila sa It’s Showtime at sa Eat Bulaga.
Magpo-promote kaya si Bossing Vic sa It’s Showtime at si Meme Vice naman sa Eat Bulaga? “Let’s see kung papayagan tayo,” pakli ni Vice Ganda. “But would love to. Sa noontime audiences, para sa madlang pipol at sa mga Dabarkads. Kung ano ang ikaliligaya nila, we would love to be doing that for them,” dagdag niyang pahayag.
“Malalaman n’yo! Darating tayo ru’n,” napangiting sagot sa amin ni Bossing Vic.
“Never naman kami nagkalaban. Nagkatapat lang. Pero never nagkalaban. Isa lang naman ang gusto namin. Mag-entertain ng tao,” paglilinaw pa ng Eat Bulaga host.
Sabi pa ni Bossing Vic, matagal na raw itong naplano, dahil ‘yun naman ang hiling ng karamihan. “Medyo last year ‘yung pag-negotiate,” pakli ni Bossing Vic.
Hindi naman daw nagtagal sa desisyon na ituloy na nila ngayon. “Parang hindi. Nung nagkatanungan kung puwede, sabay naman kami nag-yes,” sabi ni Vice Ganda.
Nakakatuwa lang daw dahil ramdam na nila ang suporta ng lahat. “Nakakatuwa kasi even ‘yung mga hosts ng parehong programs sobrang willing sumuporta. Talagang full force kami rito ngayon,” tugon ng Unkabogable Superstar.
“Talagang pasabog naman talaga. Kahit ako naman e. Ang surreal nito for me e.
“Itong nagkita kami for the first time last Sunday sa Gateway, pasabog talaga siya. Ako mismo iba ang naramdaman ko, nahiya ako, nakaramdam ako ng hiya sa kanya. Na-starstruck ako, na-intimidate ako. Sabi ko, ang pasabog pala ng feeling,” sabi pa ni Vice Ganda.
Tiyak nang pasok na naman si Vice Ganda sa Box-Office Heroes ng The Eddys awards sa susunod na taon.
Nung nakaraang awarding ng The Eddys ay personal ding tinanggap ni Vice Ganda ang naturang award, at ngayon ay inalay niya ito sa kapwa miyembro ng LGBTQIA+ dahil ang pelikula niya last year na Call Me Mother ay tumatalakay sa mga bading na nagpaka-nanay.
- Latest























