Batang lalaki nadulas sa ilog, nalunod

MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang isang 7-anyos na lalaki nang malunod at anurin ng rumaragasang tubig sa Dario River sa Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Batay sa inisyal na ulat, sinubukang kuhain ng bata na pinangalanang si Joven Asuncion ang “string” ng kaniyang saranggola ngunit nadulas ito sa ilog.
Nakakapit pa umano ang bata sa isang maliit na puno at nakahingi pa ng tulong ngunit inanod din ng rumaragasang tubig bunsod ng malakas na agos nito.
Matapos ang 12 oras ay natagpuan ang katawan ng bata sa San Juan River sa Barangay Apolonio Samson, nang ito ay makita ng ilang mangangalakal ng basura.
Bago matagpuan ang bata ay buong gabi ang isinagawang operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), at Barangay Bahay Toro upang mahanap ang katawan nito.
- Latest




















