VP Sara inisnab unang araw ng trial
MANILA, Philippines — Hindi dumating kahapon si Vice President Sara Duterte sa pagsisimula ng impeachment trial laban sa kanya.
Kinumpirma mismo ng tagapagsalita ng defense team na si Atty. Michael Poa na hindi personal na dadalo si VP Sara at sa halip ay nagpasya itong katawanin na lamang ng kanyang mga abogado.
“I think, naglabas na po ng statement ang ating bise presidente that she has chosen to appear by counsel today, in accordance with the impeachment rules. Karapatan naman po niya ‘yun that her appearance remains through counsel. So, sa ngayon po, masasabi natin na hindi na siya mag-a-appear today. She is here through counsel,” ayon kay Poa.
Nilinaw rin ni Poa na ang hindi pagharap ng personal ni VP Sara sa pagdinig ay hindi nangangahulugan ng pag-iwas sa kanyang responsibilidad sa bayan.
Ani Poa, matagal nang hinaharap ni VP Sara ang kanyang kaso kaya’t matagal na itong bumuo ng defense team upang dumepensa sa kanya dahil alam na niyang aabot ang ganitong pagkakataon.
Kaya rin aniya naririto silang mga abogado ay upang sagutin at patunayan na walang basehan ang mga paratang laban sa kanilang kliyente.
“Ang mandato po niya bilang Bise Presidente ay magtrabaho para sa bayan at ‘yun nga po ang ginagawa niya,” wika ni Poa.
Ayon pa kay Poa, kasalukuyang nasa planning session si Duterte kasama ang mga miyembro ng Office of the Vice President kaugnay ng paghahanda sa Super Typhoon Bavi.
Nagpahiwatig din si Poa na maaari pa ring dumalo ang bise presidente sa mga susunod na pagdinig kung kakailanganin.
- Latest




















