Consultancy firm sa Maynila, ipinasara ng DMW
MANILA, Philippines — Isang consultancy firm ang isinara ng Department of Migrant Workers (DMW), sa koordinasyon ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), habang inaresto ang dalawang hinihinalang illegal recruiters, sa isang entrapment operation sa lungsod ng Maynila.
Mismong si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kasama sina Undersecretary Bernard Olalia at Assistant Secretary Jerome Alcantara ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), ang nanguna sa entrapment at enforcement operation ng Closure Order 24, series of 2026, laban sa Venancia Consultancy PTY Ltd./Venancia International Manpower, Inc. na matatagpuan sa Sta. Ana, Maynila. Dinakip naman ng mga awtoridad sina Jomalyn Baya Fisher at Glydel Sayon at tinukoy sina Rina Songahid Bench at Arlyn Rodriguez bilang kanilang mga kasabwat.
Sa isang kalatas kahapon, sinabi ng DMW na pinalilitaw ng mga suspek na ang Venancia ay awtorisadong magpadala ng mga manggagawa sa Poland upang magtrabaho bilang welders at factory workers. Pinapangakuan umano ng mga ito ang mga aplikante ng buwanang sahod na 1,200 euros, ngunit hinihingian ng P300,000 bilang processing fee.
Gayunman, sa beripikasyong isinagawa ng DMW, natuklasan na bagamat sina Bench at Fisher ay recruitment officers ng isang lisensiyadong recruitment agency, hindi naman sila konektado sa Venancia Consultancy /Venancia International Manpower.
- Latest


















