Yorme, iba naman ang gagawin sa serye!

Dumidikit lang, pero hindi pa nilagpasan ng Sigabo ang ratings ng The Master Cutter.
Akala nga namin ay tataasan na nito ang drama series ni Dingdong Dantes, pero noong Huwebes ay lamang pa rin ang The Master Cutter kahit apat na istasyon pa ang kay Coco Martin.
Hindi nga lang nakabalik sa double-digit rating ang Master Cutter.
Kagaya nitong nakaraang Huwebes, June 25 na naka-9.7 percent ang The Master Cutter, at ang Sigabo ay 8.8 percent.
Noong Biyernes naman ay 9.3 at ang Sigabo ay 8.3 percent.
Aggregated ratings ito na kung saan isinama na ang rating ng GTV. Bale dalawang istasyon lang ito na katapat ang apat na istasyon ng Sigabo.
Ang single rating kasi ng Master Cutter noong Huwebes ay 7.8 percent, at noong Biyernes naman ay 7.9 percent.
Kaya tingnan natin kung malaki ang maitutulong ng karagdagang platform na Heart of Asia at I Heart Movies ng Kapuso network.
Hindi pa rin nagpapahinga ang mga taga-Sigabo, dahil todo pa rin sila sa pagpo-promote.
Noong Linggo ay nag-motorcade sila sa San Fernando, Pampanga, kasama pa sina Kathryn Bernardo at James Reid para naman sa Someone, Someday na mapapanood din sa TV 5, AllTV, A2Z, at Kapamilya channel.
Nagsisimula na rin ngayon ang bagong action-drama na gagawin ng GMA 7. Ito yung Hari ng Tondo na pagbibidahan naman nina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Nabanggit sa amin ito ni Mayor Isko Moreno sa nakaraang White Party Manila na kasali rin pala siya sa seryeng ito. Hindi naman daw siya as Yorme Isko rito. “Ano siya…it’s a good character,” napapangiti niyang pakli sa amin.
Hindi niya idinetalye kung ano ang role niya rito sa Hari ng Tondo. “Mangangalawit ng tolonges,” bulalas niya.
Parang kagaya ng ginagawa raw niya sa Maynila ang mapapanood sa kanya sa Hari ng Tondo. “Not really. But almost the same function, manghuli ng mga criminal,” sagot niya sa tanong namin.
Makikita raw ang kabuuan ng Tondo na iba sa dating pagkakaalam natin sa naturang lugar. “The Tondo now. You know Manila is a contradicting city e. Alam nyo naman ang Manila, maraming areas with different people. Halu-halo na, diverse,” dagdag niyang pahayag.
Samantala, si Yorme ang isa sa pinarangalan sa White Party Manila bilang isa sa sa Outstanding Alles of LGBTQIA+ Community.
Kasama niya sa mga pinarangalan sina Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, Mayor Francis Zamora ng San Juan, at si Mayor Eme Calixto-Rubiano ng Pasay City.
Sabi ni Yorme, safe raw ang mga LGBTQIA+ sa Maynila. “Safe na safe ang mga LGBTQIA, pati mga parents nila. We love this kind of peace of mind na may mga anak na LGBT…,” pakli ni Mayor Isko Moreno.
- Latest




















