3 ‘gunrunner’ arestado sa Imus City

CAVITE, Philippines — Bagsak sa kulungan ang tatlong hinihinalang gunrunner matapos makumpiskahan ng mga loose firearms at mahigit kumulang sa 45 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling araw sa Imus City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa mga alyas na “Mak”, “Venu,” at “Carlos” pawang mga nahaharap sa mga kasong Violation of RA 10591 or Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Section 11, Article II ng RA 9165.
Base sa ulat, nag-ugat ang operasyon matapos na unang makatanggap ng impormasyon ang Sta. Rosa Police Intelligence Unit sa pangunguna ni Lt. Col. John Paolo Carracedo at Regional Intelligence Unit 4A hinggil sa talamak na bentahan ng mga ilegal na baril sa Cavite at Laguna.
Sa tulong ng isang confidential informant, unang nagkasa ng buy-bust ang grupo sa Brgy. Litlit, Sta Rosa City, Laguna kung saan matagumpay silang nakabili ng isang Intratec 9mm submarine gun at mga bala. Nag-alok pa umano si Mak ng isa pang unit ng baril na nagkakahalaga lamang mg P7,000. Nang magkasundo, isinama ng suspek sa kaniyang bahay ang pulis na nagpanggap na buyer sa Brgy Alapan 1-C Imus City upang kunin ang nasabing baril.
Gayunman, lingid sa kaalaman ng suspek, agad nakipag-ugnayan sa Imus City Police ang grupo sa pangunguna ni Police Capt. Angelito Castro na sumunod na rin sa nasabing lugar at nadatnan nila ang suspek at dalawa pang kasamahan.
Nang magkabayaran, dito na inaresto ng grupo ang tatlong suspek. Narekober dito sa ang isang sling bag na may isang .45 caliber pistol at mga bala; at 7-plastic sachet ng shabu na nasa 45 gramo may halagang P295,000.
- Latest





















