Bebot, kulong sa ‘di pagbabayad sa pagpaparebond

MANILA, Philippines — Swak sa bilangguan ang isang vendor na babae matapos na hindi makapagbayad sa pagpapa-rebond ng kanyang buhok sa isang salon sa Tondo, Manila.
Nakapiit na at mahaharap sa kasong estafa ang 41-anyos suspek at residente ng Tondo.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), alas-5 ng hapon ng Hunyo 20 nang magpunta ang suspek sa salon, na matatagpuan sa loob ng isang mall sa Dagupan St.
Ipinaliwanag ng manager ng salon sa suspek ang hair treatment na maaari nitong i-avail at pumayag umano ang suspek na magpa-rebond ng buhok.
Gayunman, nang matapos na ang pagre-rebond, natuklasan ng mga tauhan sa salon na wala palang perang pambayad ang suspek.
Dito na sila nagpasya na dalhin ang suspek sa security office ng mall bago tuluyang inaresto ng mga rumespondeng pulis at binitbit sa presinto para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
- Latest
















