EDITORYAL — Dengue: Kalaban ngayong tag-ulan
NAGSIMULA na ang tag-ulan. Nagpaalala agad ang Department of Health (DOH) sa mamamayan na mag-ingat sa dengue. Bagama’t mababa ang bilang ng mga kaso ngayong 2026 kumpara noong nakaraang taon, hindi dapat maging kampante ang publiko. Sundin ang mga payo at paalala ng health expert.
Ngayong kabubukas ng klase sa pampublikong eskuwelahan, dapat mas nagiging kritikal ang pagiging mapagmatyag laban sa panganib ng dengue. Ang pagsabay ng panahon ng tag-ulan sa pagbabalik eskuwela ay nangangailangan ng dagdag na alerto mula sa mga mag-aaral, magulang, at mga guro upang masiguro ang kaligtasan laban sa dengue. Ang dengue ay nagmula sa lamok na Aedes Aegypti. Makikilala ang lamok dahil sa guhit na puti at itim sa katawan nito at sa araw lamang nangangagat.
Tandaan na ang mga itlog ng lamok ay kayang mabuhay ng hanggang walong buwan kahit walang tubig, kaya hindi sapat ang basta pagtatapon lamang ng mga basyong plastic o bote. Kinakailangan ding linisin mabuti ang mga gilid ng mga sisidlan upang matiyak na matatanggal ang mga itlog, at itabi ang mga ito nang patiwarik o upside down upang lubusang matuyo bago muling gamitin.
Dahil ang mga lamok ay may kakayahang lumipad ng hanggang 300 metro, ang pagpuksa sa dengue ay isang kolektibong responsibilidad ng buong komunidad.
Bukod sa pagpapanatili ng kalinisan sa paligid ng mga tahanan at paaralan, mahalaga ring magsagawa ng self-protection measures ang mga estudyante. Inirerekomenda ang paggamit ng insect repellent, pagsusuot ng long sleeves o mahahabang pantalon, at paggamit ng mosquito patches na ikinakabit sa damit, siguraduhin lamang na palitan ang mga ito base sa nakasaad na tagal ng bisa.
Sakaling makaramdam ng mga sintomas gaya ng mataas na lagnat na tumatagal ng dalawa hanggang pitong araw, matinding sakit ng ulo, at pananakit ng katawan, huwag mag-atubiling magpakonsulta agad sa doktor o bumisita sa mga PhilHealth-accredited na Yakap clinics para sa agarang pagsusuri at tamang paggabay.
Ang mabilis na pagtugon sa mga sintomas ay makatutulong upang maiwasan ang mga seryosong kumplikasyon ng sakit. Ang sama-samang pagpapanatili ng kalinisan at pag-iingat sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan ang susi upang mapanatiling ligtas ang pamilya at mga mag-aaral sa paaralan. Huwag balewalain ang dengue na marami nang inutang na buhay. Huwag hintayin na mangyari ito.
- Latest















