5 miyembro ng ‘Ipit Gang’ timbog sa lady guard

MANILA, Philippines — Hindi umubra ang angas ng limang miyembro ng notoryus na “Ipit Gang” matapos habulin ng isang babaeng security guard na kanilang dinukutan ng cellphone sa loob ng UV Express, sa Pasig City, noong Hunyo 12.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD) ang mga dinakip na sina alyas “Marbert”, “Amado”, “Jonas”, “Ronny” at “Marvin” ay nagpanggap na mga pasahero at tumangay sa cellphone ng 40-anyos na security guard.
Batay sa imbestigasyon, sakay ang biktima ng UV Express mula Ortigas Extension, sa Brgy. Rosario, Pasig City, patungo sa Ayala, Makati City.
Nang makaupo na ang biktima ay ginitgit siya nina Marbert at Amado, pinipitpit, dinidikitan ng katawan upang hindi makaalis sa kinauupuan habang ang tatlo pa nakaupo sa tapat na upuan ay nagsasalita ng malakas at nagbibiruan upang ma-distract ang atensyon ng biktima.
Nadukutan sa backpack ang biktima at sa pagsapit sa C5 intersection ay nadiskubre niya na wala ang cellphone sa bag kaya kinompronta ang mga suspek.
Mabilis na nagbabaan ng sasakyan ang lima at sumakay sa Metrolink bus kaya hinabol ng biktima na nakakuha ng atensyon ng mga nagpapatrolyang pulis.
Inakyat ng biktima at mga pulis ang Metrolink bus at doon ay inaresto ang mga suspek.
Sa inspeksyon sa gamit ng mga suspek, nakuha ang 10.3 gramo ng shabu at isang sumpak na may isang bala.
Nahaharap na sa reklamong conspiracy to commit theft at paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) naman laban kay Amado.
- Latest


















