91 magsing-irog ikinasal sa Kasalang Bayan sa Maynila
MANILA, Philippines — Nabalot ng saya at kilig ang Mehan Garden nitong Sabado ng hapon sa pag-iisang dibdib ng 91 magsing-irog sa isinagawang Kasalang Bayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang solemnizing officer, ang pagkakasal bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-455 Araw ng Maynila.
Sa pagtutulungan ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) at Civil Registry Office, nabigyan ng pagkakataon ang mga magkapareha na gawing legal at mas matibay ang kanilang pagsasama sa ilalim ng batas.
Ayon kay Domagoso, mahalagang maprotektahan ng batas ang bawat pamilyang Manileño.
Pinaalalahanan din niya ang mga bagong kasal na walang perpektong pagsasama, ngunit sa pamamagitan ng pagmamahalan at pag-uunawaan ay malalampasan ang anumang hamon sa buhay mag-asawa.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga ikinasal dahil kumpleto ang mga kailangan ihanda sa kasal tulad ng wedding rings, cake, bouquet, venue at catering. May P5,000 cash din na regalo mula sa mga konsehal.
- Latest





















