^

Punto Mo

EDITORYAL - Kalayaan sa Impormasyon

Pang-masa

IPINASA na rin sa wakas ang Freedom of Information (FOI) Act. Ito ang matagal nang hinihintay ng taumbayan. Noon pa, marami nang humihiling na ipra­yoridad ang pagsasabatas ng House Bill No. 9397. Ngayon isa na itong malaking katuparan.

Napapanahon ang hakbang na ito upang wasakin ang kultura ng paglilihim, lalo na sa panahong lugmok ang Pilipinas dahil sa malawak na korapsiyon. Nasa ika-120 puwesto ang Pilipinas sa 2025 Corruption Perceptions Index dahil sa mga iskandalo sa flood control projects at walang taros na paggastos ng confidential funds particular ang Office of the Vice President.

Hindi na bago ang panawagan para sa kalayaan sa impormasyon. Bagamat ginagarantiyahan ito ng 1987 Constitution, nanatili itong bulag at pipi dahil sa kawalan ng batas. Napatunayan natin sa nakaraang admi­nistrasyon na hindi sapat ang Executive Order No. 2 dahil saklaw lamang nito ang ehekutibo, at sa huli ay madali pang nabaluktot upang itago sa publiko ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng matataas na opisyal. Ang isinusulong na panukala ngayon ay saklaw na ang lehislatura, hudikatura, local government, at GOCCs.

Nakikita ang mga pangakong “ngipin” ng bagong panukala. Nakasalang ang paglikha ng isang malayang Right to Information Commission at isang sentrali­sadong online portal. May nakatakda ring mahigpit na palugit: tatlong araw para sa mga simpleng hiling, at hanggang 20 araw para sa mga teknikal na dokumento. Higit sa lahat, nagpapataw ito ng mga parusang admi­nistratibo, sibil, at kriminal sa sinumang opisyal na sadyang magtatago, maninira ng public record, o magbibigay ng maling impormasyon upang pagtakpan ang katotohanan.

Subalit, hindi dapat ituring na mahiwagang lunas ang batas na ito.

Kahit mapirmahan pa ito, magiging inutil ang mga magagandang probisyon kung malambot ang ipapataw na parusa at mahina ang implementasyon, isang sakit na matagal nang nagpapahirap sa ating pamahalaan. Sa paparating na bicameral conference, kung saan pag-iisahin ang bersyon ng Kamara at Senado, dapat tiyakin ng mga mambabatas na ang itatakdang kulong at multa ay sapat ang bigat upang magtanda at mangi­nig ang sinumang opisyal na ipagkakait ang impormasyon.

Ang kalahati ng laban ay naipanalo na sa loob ng Kongreso, ngunit ang tunay na pagsubok ay nasa labas. Mayroon na tayong batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa impormasyon, pero magkakaroon lamang ito ng talim kung hindi tatamarin ang publiko na ga­mitin ito. Ang FOI Law ay napakalakas na sandata para usisain ang bawat kontrata, bantayan ang bawat budget, at papanagutin ang mga nagmamalabis; ngunit sa huli, ang kamay na dapat humawak nito ay walang iba kundi ang mamamayan mismo.

FREEDOM OF INFORMATION ACT

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with