Safe Spaces Ordinance, pinatindi
No more bastos sa Parañaque
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Parañaque City Council ang pag-amyenda sa Safe Spaces Ordinance upang higit pang maprotektahan ang mga residente laban sa gender-based harassment.
Pinangunahan ni Konsehala Carina Pablo Gabriel, chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and GAD, ang nasabing panukala.Sa ilalim ng bagong amyenda, ipinagbabawal at papatawan ng parusa ang sexual objectification o pagtrato sa isang tao bilang sekswal na bagay lamang sa halip na igalang ang kanyang dignidad. Kabilang dito ang bastos na komento, pangmamaliit sa katawan o hitsura, at iba pang kahalintulad na gawain sa mga pampublikong lugar, opisina, paaralan, at online platforms.
“Hindi dapat nagiging normal ang pambabastos, pangmamaliit, o pagtrato sa isang tao bilang simpleng sekswal na bagay lamang. Sa pamamagitan ng amendment na ito, mas pinapalakas natin ang proteksyon at dignidad ng bawat Parañaqueño,” pahayag ni Konsehala Gabriel.
Ayon sa konsehala, layunin ng amyenda na wakasan ang iba’t ibang anyo ng harassment na madalas maranasan ng kababaihan at iba pang vulnerable sector upang matiyak na ligtas at may respeto ang bawat sulok ng Parañaque City.
- Latest





















