DOE: Rollback sa diesel, posible sa susunod na lingo
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Energy (DOE) kahapon na malaki ang tiyansa na magkaroon ng rollback sa presyo ng diesel sa susunod na linggo, sa kabila ng patuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad, maaaring magkaroon ng pababang price adjustment sa susunod na linggo, base na rin sa apat na araw na trading sa Mean of Platts Singapore. Ani Abad, ang presyo ng diesel ay maaaring bumaba ng mula P2.00 hanggang P3.00 kada litro.
Maaari naman aniyang manatili ang presyo ng gasolina o bumaba ng hanggang P2.00 kada litro habang ang presyo naman aniya ng kerosina ay maaaring hindi rin magkaroon ng pagbabago o ‘di kaya ay bumaba ng hanggang P0.50 kada litro.
Ipinaliwanag ni Abad na ang panibagong tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran ay may bahagya lamang na epekto sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nilinaw rin ni Abad na base sa monitoring ng DOE, ang kasalukuyang presyo ng langis ay nasa pagitan ng P70 hanggang P90 kada litro, at hindi dapat na lalampas ng P100 kada litro.
- Latest

















