NAPOLCOM, naglunsad ng manhunt vs SUV driver sa SLEX hit-and-run
MANILA, Philippines — Nagpalabas ng manhunt operation ang National Police Commission (NAPOLCOM) laban sa driver ng SUV na umano’y nang-hit-and-run sa isang rider ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa South Luzon Expressway (SLEX).
Mariing kinondena ni NAPOLCOM Chairman Atty. Rafael Vicente R. Calinisan ang insidente matapos kumalat sa social media ang video na nagpapakita ng SUV na bumangga sa pulis at tumakas.
Inatasan ni Calinisan ang PNP-HPG na magsagawa ng agarang imbestigasyon upang matukoy at makasuhan ang suspek.
“Dapat managot ang may gawa sa buong bigat ng batas. Walang lusot at walang espesyal na pagtrato,” diin ni Calinisan.
Ayon pa sa opisyal, patuloy niyang isinusulong ang pananagutan ng mga lumalabag sa batas habang pinoprotektahan ang mga pulis na nagiging biktima habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
- Latest


















