‘Gamot na nabulok at nabodega lamang, buhay ng Pilipino ang napabayaan’
Habang maraming health center sa Cordillera at iba pang liblib na bahagi ng bansa ang madalas kapusin sa suplay ng gamot, nakakagalit at nakapanlulumo na bilyun-bilyong pisong halaga ng mga gamot at medical supplies ng Department of Health (DOH) ang hinayaang mabulok at mag-expire sa mga bodega.
Ayon sa Commission on Audit (COA), mahigit P39 bilyon na ang halaga ng mga expired, hindi nagamit, at nasayang na gamot at bakuna mula 2015 hanggang 2024. Noong 2023 lamang, umabot sa P11.18 bilyon ang naitalang pag-aaksaya—halagang sapat sana upang makapagbigay ng lunas sa milyun-milyong Pilipinong umaasa sa libreng serbisyong pangkalusugan.
Sa halip, ang gamot na dapat nagpapagaling ay naging simbolo ng kapabayaan at kabiguan ng sistema.
Hindi na maaaring ikubli ang problema sa likod ng mga teknikal na terminong gaya ng “overstocking,” “inventory deficiency,” at “procurement issues” dahil ang mga gamot na binili gamit ang pera ng taumbayan ay malinaw na hindi naiparating sa mga pasyenteng nangangailangan.
Sa ulat ng COA para sa 2024, may P34.8 milyong halaga ng gamot na expired na at may karagdagang P99.5 milyon na malapit nang masira.
Sa Cordillera, hindi lamang ukol sa accounting. Ito ay usapin ng mga pasyenteng umaakyat at bumibiyahe nang ilang oras para maghanap ng maintenance medicine, bitamina, at iba pang pangunahing gamot.
Nakararating ba talaga ang mga ito sa mga komunidad ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province, o natatambak lamang hanggang mawalan ng bisa?
Lalong pinatingkad ng mga larawang lumabas kamakailan mula sa lumang gusali ng Abra Provincial Hospital ang kalunos-lunos na realidad ng sistemang ito. Maaaring may paliwanag ang mga kinauukulan, ngunit para sa mga mamamayang hirap makakuha ng gamot, ang mga kahong natambak ay larawan ng isang burukrasya na mabagal, manhid, at malayo sa tunay na kalagayan ng mga komunidad.
Tukuyin kung simpleng kapabayaan lamang ito o katiwalian, palakasan, o maling prayoridad sa distribusyon.
Ang bawat kahong nabulok ay hindi lamang nasayang na pondo kundi nawalang pagkakataon upang makapagligtas ng buhay.
Panahon nang managot ang mga responsable at isagawa ang malawakang reporma sa sistema ng pagbili, pag-iimbak, at pamamahagi ng gamot.
Kapag ang gamot ay naaagnas sa bodega habang may mga pasyenteng walang malunasan, hindi lamang pera ng bayan ang nasasayang—maging tiwala at buhay ng mamamayan ay unti-unting nililibing.
—-
Para sa komento: [email protected]
- Latest
















