MCA Downtown, YMCA Xiamen nagsanib-puwersa para palakasin ang programa sa sports sa Pinas

MANILA, Philippines — Lalong tumibay ang kooperasyon ng Manila Downtown YMCA at YMCA Xiamen matapos bumisita sa China ang Board of Directors ng Manila Downtown YMCA sa pangunguna ni Dr. Honorio T. Tan, kasama ang Manila Downtown YMCA Women’s Club na pinamunuan ni Adelina Pua.
Isa sa tinalakay ng delegasyon ng Manila Downtown YMCA na binubuo nina Vice President Edison Dy Go, Corporate Secretary Charlie L. Lim, Board Member Hong Wu Yi, Board Member Victor Ong Lau at Executive Director Venus May Alinsod ang pagpapaunlad sa modernong sports partikular na ang swimming.
Bukod sa sports natalakay din ang mga posibleng program exchange at mga proyekto na pagtutulungan sa hinaharap sa pagitan ng dalawang organisasyon.
Ang Women’s Club ay kinatawan nina Treasurer Juanita Co, members Tessie Uy Chua, Obiles Co Ah Mui at Co-Cheng Ida Sy.
Noong Mayo 20 ay nakipagpulong ang Manila Downtown YMCA delegation kay AMOY (Xiamen) YMCA General Secretary Kevin Ke upang talakayin ang iba’t ibang programa at serbisyong para sa komunidad ng YMCA at YWCA ng Xiamen.
Naging pangunahing katuwang ang dalawang organisasyon sa pagpapaunlad ng modernong sports, serbisyong panlipunan, pampublikong kultura at edukasyon sa Xiamen.
Nalaman din ng mga delegado na itinatag ang AMOY YMCA noong 1912 habang ang YWCA ay naitatag noong 1929.
Ibinahagi rin na inilunsad ng AMOY YMCA ang International Swimming Program noong 1931 at patuloy itong nagsasagawa ng fellowship meetings at mga festival para sa mga public welfare organizations sa Xiamen.
Bukod dito, aktibo rin ang YMCA at YMCA ng Xiamen sa pagbibigay ng serbisyo para sa mga nakatatanda at pagsusulong ng cultural outreach programs sa pamamagitan ng instrumental music at dance exchange activities na nagpapalakas ng ugnayan ng komunidad at pandaigdigang pagkakaibigan.
Sa panig ng Manila Downtown YMCA, ibinahagi nina Tan at Alinsod ang iba’t ibang programa ng organisasyon kabilang ang environmental projects tulad ng tree-planting activities, educational programs para sa Chinese-Filipino schools, at sports development programs gaya ng Learn-to-Swim classes at basketball clinics.
Itinampok din nila ang espesyal na outreach program ng organisasyon para sa mga pasyenteng may cancer sa pamamagitan ng pamimigay ng wigs.
Nagkaroon ng pagkakataon ang delegasyon na libutin ang mga pasilidad ng AMOY YMCA at makilala ang kanilang mga staff members.
Sa gabi, isang welcome dinner ang inihanda ni AMOY YMCA president Ms. Lily Li bilang bahagi ng pagpapatibay ng pagkakaibigan at pagtalakay sa mga susunod pang kolaborasyon sa pagitan ng dalawang YMCA organizations.
- Latest






















