Majority senators ‘binoykot’ uli ang sesyon

SP Cayetano hinamon na magbitiw…
MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon ay muli na namang binoykot ng mga miyembro ng Senate majority bloc ang sesyon nitong Martes,.
Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri na tumawag umano si Senate President Alan Peter Cayetano kay Senate Secretary Jose Luis Montales para ipaalam na hindi darating ng majority senators.
Kaya hinamon ng minority bloc si Senate President Alan Peter Cayetano na mag-resign sa puwesto matapos ang dalawang araw na walang naganap na sesyon sa Senado.
Sinabi naman ni Sen. Tulfo, na ang hindi pagsipot ng mga senador na kasapi ng mayorya ay isang maliwanag na pag-abandona ng kanilang tungkulin at pagbalewala sa rules ng Senado.
Sinabi ni Tulfo na hindi maaaring itigil ng Senado ang kanilang trabaho dahil lamang sa ayaw ng kanilang lider na magtrabaho at gampanan ang kanyang tungkulin.
Binanggit din ni Tulfo na sa kanilang rules, maaari lamang suspendehin ng Senado ang kanilang sesyon pero dapat ay may konsultasyon ito sa majority leader at minority leader.
Hinamon din ni Tulfo si Cayetano na sa halip na sabihin ang kanyang mga statement sa pamamagitan ng FB live ay sa plenaryo siya magsalita.
Umapela si Zubiri sa kanilang kasamahan sa mayorya na dumalo na sa huling araw ng sesyon ngayon bago mag-‘adjournment sine die’ ang Senado.
Sinabi ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na ngayong araw, Miyerkules nila pag-uusapan kung ano ang dapat gawin sa mga hindi dumadalo sa sesyon.
Maliwanag aniya sa rules ng Senado na dapat nagdaraos sila ng sesyon sa ganap na alas-3 ng hapon mula Lunes hanggang Miyerkules.
- Latest





















