Robin, 5 iba pa kinasuhan ng obstruction of justice sa DOJ

MANILA, Philippines — Pormal nang kinasuhan ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice (DOJ) ng kasong Obstruction of Justice si Senador Robinhood Padilla at limang iba pa kaugnay ng umano’y pagpapatakas ni Padilla kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 14, isang araw matapos ang nangyaring putukan sa Senado.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP-CIDG Director, PMGen. Robert Alexander Morico II na nai-refer nila sa DOJ ang kaso noong Martes, May 26.
Bukod kay Padilla, dawit din sa reklamo ang anak ng tiyuhin nito na may-ari ng pick-up truck na sinasabing back-up vehicle na nagsilbing escort ni Dela Rosa at babaeng security officer na dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at naging foreign service officer sa Department of Foreign Affairs bago naging security officer at staff ni Padilla.
Hindi naman tinukoy ng CIDG ang tatlong iba pa.
Nagpalabas na rin ng subpoena ang CIDG laban sa ilang indibidwal na iniuugnay sa insidente.
Nauna nang kinumpirma ng International Criminal Court na naglabas ito ng arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.
Samantala, naniniwala si Morico na konektado umano ang nangyaring putukan sa Senado sa pagtakas ni dela Rosa.
Gayunpaman, ayaw ni Morico na pangunahan ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).
Tumatanggi namang magkomento ang opisyal kung “staged” o ginawang dahilan ang pamamaril bilang isang supervening event upang bigyang-katwiran ang pag-alis ng senador.
- Latest


















