P6.4 milyong illegal drugs buking sa 5 parcel sa post office

MANILA, Philippines — Aabot sa P6.4 milyon ang halaga ng hinihinalang ilegal na droga na nadiskubre sa limang abandoned inbound parcels sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Mayo 26, 2026.
Napag-alamang ikinasa ang operasyon ng Aviation Security Unit-NCR katuwang ang Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency matapos ma-flag sa routine x-ray screening ang mga parcel na nagmula sa Canada at France.
Sa isinagawang manual inspection at K-9 examination, nadiskubre ang hinihinalang MDMA o ecstasy, marijuana kush, cocaine, ketamine, ecstasy tablets, at iba pang ilegal na substansya na itinago sa canned goods at iba pang packages.
Nakatakda sanang ipadala ang mga parcel sa iba’t ibang consignee sa Pampanga at Cagayan de Oro ngunit natagpuan umano itong abandoned.
Pinuri ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang koordinasyon ng mga operatiba at partner agencies sa matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Nartatez, magpapatuloy ang pinaigting na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga lalo na sa mga entry point ng bansa.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga nakuhang substansya para sa laboratory examination at kaukulang disposisyon.
- Latest



















