17 arestado sa love scamming at crypto fraud operation

MANILA, Philippines — Tatlong dayuhan at 14 na Pilipino ang dinakip ng National Bureau of Investigation - Special Action Unit (NBI-SAU) sa pagsalakay sa isang mala-call center office na gamit sa “Love Scamming Activities,” “Pig Butchering,” at “Cryptocurrency Investment Fraud” sa Lungsod ng Parañaque, iniulat nitong Martes.
Nabatid na noong Mayo 15, 2026, nang salakayin ang ikatlong palapag ng gusali sa No. 9 Patmos St. Multinational Village, sa pagsisilbi ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng Parañaque Regional Trial Court.
Dinatnan ng mga operatiba ang mala-call center na setup na binubuo ng maraming computer workstation, mobile phone, internet router, at iba pang digital device sa isang silid at sa hiwalay na silid naman ay narekober ang computer na may naka-install na “AI SWAP 2” application—ang teknolohiya ng deepfake na kayang palitan ang mukha ng modelo sa love scamming.
Naaktuhan ang 17 suspek na aktibong gumagamit ng mga computer system at communication device noong panahon ng pagsalakay.
Sa inisyal na forensic examination ng NBI-Digital Forensic Laboratory natukoy na mga dayuhan ang target na biktimahin lalo na sa Estados Unidos, Bangkok, at ilang bansa sa Europa.
- Latest
















