4 timbog sa cable theft sa Parañaque
MANILA, Philippines — Apat na suspek sa pagnanakaw ng kable ang nasakote ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station sa A. Santos Avenue, sa BF Homes, Parañaque, madaling araw ng Biyernes.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dinakip ang mga suspek na sina alyas “Rommel”, 28; “John Zedrick”, 18; “John Rose”, 27 at “Rodel”, 32, na pawang isinailalim na sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Section 4D ng Republic Act 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013).
Ayon kay Parañaque CPS chief, PCol. Nicolas Pinon, bandang alas-4:00 ng madaling araw ng Mayo 15, nang mapansin ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Sub-station 5 BF Homes ang tatlong suspek na binubuksan ang isang PLDT manhole, at isa ang pumasok sa imburnal at nang lumabas ay may hawak na mga kable, habang ang dalawa ay nakaantabay.
Nang mapansin ang presenya ng mga pulis ay mabilis na umarangkada ang aluminum van, na nauwi sa habulan at nakorner pagsapit sa Bicutan, na nagresulta sa pag-aresto.
Inaresto rin ang isang lalaking lumutang sa sub-station na nagpakilalang siya ang may-ari ng ginamit na Foton Tornado van, subalit hindi siya nakaligtas nang iturong spotter umano at back-up driver ng grupo.
Nasamsam ang dalawang PLDT copper cables, isang bolt cutter, isang kadena, isang lagare, at 4 na improvised steel hooks, at mga gamit ng construction workers na props sa pagpapanggap, kabilang ang van.
- Latest





















